“Paano na iyan? Edi wala nang gagamit sa mga librong ito?”
Wika ni Anthony, aking kaklase na hindi ko na maaninag sa itim ng kanyang suot.
“Wala tayong magagawa, lahat ay may panahon, at lipas na ang sa atin.”
Wika ko.
“Eh ano ba naman ang lilipas kung ikaw ba naman ang parangalan ng Outstanding Research in the Field of Computer Science?”
Palakpak ni Ben, nakasuot rin ng itim sabay tapik sa akin.
“Sipag lang at tiyaga, Ben. sino ba naman ang mag-aakalang magagawa nating maging 100% fully functional ang thesis sa loob ng isang taon? At kukuhanin pa daw ng PLDT para sa test run nila.”
Sagot ko.
“Joseph, magsuot ka na kaya ng toga? Eh di ba ikaw ang unang tatawagin?”
“Candelaria, Joseph Marion R.”
“Graduating with last 3 units of retention for failure.”
“Joseph, pare, di rin siguro namin matatapos ang paglalakbay naming ito nang wala ka.”
Maluha luhang sagot ni Anthony habang niyayakap ako.
“Alam mo Anthony, ang mahalaga, matatapos na tayo. Isang karangalan na natulungan ko kayo.”
Pati ako ay nadala na rin sa drama at napaiyak na rin.
Dahil pilay pa ang aking paa, paika-ika akong lumapit sa cubicle ng aking research station at kinuha ang aking toga.
Nandun sa aking lamesa ang sari-saring mga mensahe. Mga mensahe na nagsasabing mamimiss nila ako, mga mensaheng nagsasabing Congratulations dahil tapos na ako, at kahit mga nasasabing dapat daw ay nakick out ako.
Napaluha ulit ako.
Sa isang tabi, nandun ang mumunting litrato naming tatlo ni Ben at Anthony. Sinasakal ako ni Anthony habang si Ben ay nakasakay sa kanya. Kinuha ko ang litratong iyon at aking tiningnan ang likod.
May nakasulat.
“Brothers Forever. 05-29-09”
Ngayon talagang umiyak na ako.
May isa namang papel duon na naiwang nakabuklat, at galing pala iyon sa aking guro sa Matematika.
“Ang pinakamahalagang bagay sa lahat ay hindi ka sumuko.”
“05-29-2013”
Habang paika-ika ay kinuha ko ang toga ko at sinuot ko na ito ng buong pagmamalaki. Aking masasabi na kahit mainit, ito ay nakakapanlakas ng loob. Nakapagpapalakas ito ng dibdib na masasabi mo sa mundong, “handa na ako.”
Habang papalabas ako ng research lab kung saan ako nagtrabaho ng mahigit sa apat na taon, sinalubong ako ni Ben.
“Joseph, proud na proud ako sa tibay ng loob mo.”
“Maraming salamat Ben, Grabe, ang bilis ng apat na taon.” “Magkakahiwahiwalay na tayo.” Sagot ko.
“Huwag ka madrama pwede? Isang oras na lang magtatapos na tayo paiiyakin mo pa ako!” Angal ni Ben.
Paglabas ko ng research lab ay nandun ang aking mga batchmates.
Pinalakpakan nila ako paglabas ko.
“Grabe Joseph! Last 3 units of retention, pero makakatapos na!” Salubong ng aking mabait na kaklaseng si Andrea na tumulong sa aking makalakad muli.
“Salamat, Andrea.”
Sa isang dulo ay nakasalubong ko naman ang dalawa kong kaklseng natulungan ko sa kanilang electronics project.
“Joseph!”
“Andrew? Denver? Gagraduate na din pala kayo!” Tugon ko.
“Maraming salamat sa pagtulong mo sa amin. Naalala mo yung project na halos itapon na namin kasi sukong suko na kami? Tinapos namin. At natapos namin. Naisip namin na ibigay sa iyo. Alam kong kailangan mo yan pag nagturo ka na.” Sabi ni Andrew.
“Maraming salamat. Alam ko na hinding hindi kayo susuko sa kahit ano mang dumating sa inyo.” Sabay yakap ko sa kanilang dalawa.
Sa isang banda, nandoon ang aking pinakamahigpit na kalaban sa Programming.
“Aba. Nakuha mo pala ang Best Thesis Award.” Padabog na salubong ni Cheska.
“Oo nga eh. Pero magna cum laude ka naman.” Sagot ko sa kanya.
Nagulat ako na niyakap niya ako at ngumiti siya.
“Patawad Joseph sa mga pagkakataon na minamaliit kita. Ipinagmamalaki kita sa tibay ng loob mo.”
“Wala yun Cheska. Ang importante, makakatapos na tayo diba?” Tugon ko.
“Tama ka Joseph.” At inalalayan niya ako papunta sa labas ng gusali kasama ng iba pang mga estudyante.
Pagpasok namin sa isa pang gusali, ito na ata ang auditorium, ay nagpalakpakan ang napakaraming tao.
Dahil ako ang una sa listahan ay kaagad akong pumunta sa unahan ng mga upuan para sa mga magsisipagtapos. Lahat kami ay maluha-luha habang papunta sa aming mga upuan.
Pagdating ko sa akin upuan, ay nakita ko ang aking dating kasintahan at nakita ko siyang lumuluha habang nakatingin sa akin. At kumaway siya na parang gusto akong kumustahing.
-ITUTULOY-